Nung una, nag-volunteer lang akong magsalin sa Ingles ng ilang tula ni Axel Pinpin. Tinulungan ko noon yung kapatid ko (Alexander Martin Remollino) kasi ang dami-dami n'yang ginagawa nung panahong yun, e ako wala naman halus ginagawa. Mga 2007-2008 yun, kung tama ang pagkakaalala ko. Lumabas yung librong may translations (Tugmaang Matatabil: Selected Poems in Translation) nung 2009.
Masakit pala sa ulong mag-translate ng tula haha. Pero masaya rin. Minsan, para ka na ring nagsusulat ng tula (na para ring hindi). Basta.
Medyo nabitiwan ko rin ang pagsasalin dahil sa ilang pangyayaring personal na pinagdaanan matapos noon. Pero mga bandang dulo ng 2011, may ilang kaibigang nag-request ng salin sa kanilang mga tula, kaya sinubukan ko uli. Natuwa naman sila. Natuwa rin ako, kasi ang gaganda ng mga pinasalin nila noon, kaya lalu akong ginanahan. Pero may ilan din na hindi ko pa nasasalin hanggang ngayon.
Nagsasalin ako mula Filipino papuntang Ingles, at mula Ingles papuntang Filipino. Minsan, nagsasalin din mula Nihongo papuntang Ingles/Filipino, pero mas hobby lang dahil hindi pa ako ganung kahusay mag-Nihongo.
Sa pagsasalin, gusto kong manatili yung boses nung may-akda, pati yung kabuuang tono nung akda niya. Na mahirap gawin, sa totoo lang. Pero iyon ang pananaw ko sa pagsasalin. Hindi ako naniniwala sa sobrang literal na salin. Pwede naman kasing gawin ni Gugul Transleyt yun, mas mabilis at mas entertaining pa ang resulta hahaha. . . Mahirap din ang sobrang paraphrased na pagsasalin, yung tipong kukunin lang ang esensya ng sinasabi ng orihinal na akda tapos isusulat ng nagsasalin sa sarili niyang estilo. (Mas halaw na nga ang tawag doon, hindi salin.)
Pero sabi nga ng isang kaibigan, "Maliit na boses ko lang po ito." At personal na praktika ko rin. Palagay ko, walang sinuman na makapagtatakda ng "tapat na salin" sa isang akda--bagamat maaaring magtakda, o magkaroon ng kasunduan, tungkol sa "wastong pagsasalin".
No comments:
Post a Comment