Nang tumigil
ang orasan sa istasyon
patuloy na bumagsak
ang mga dahon,
patuloy na tumakbo
ang mga tren.
Patuloy na humaba at umitim
ang buhok ni Inay.
Patuloy na nilunod ng oras
ang katawan ni Itay.
Hindi ko mabasa
ang kalendaryo sa istasyon.
Natulog kaming nakalilim
sa mga pigil na kamay ng orasan
hanggang ihatid ng umaga
ang isang mama, bitbit ang hagdan.
Inakyat ng mama ang mukha
ng orasan, sinusian.
Siya lang ang nakakaalam
kung ano ang kanyang nakita.
Sa baba, patuloy ang mga yapak
papunta sa iba't ibang direksyon.
Nagsitawid ang mga tao
papunta sa ibang panahon:
Bumibili ng tiket sa isang panahon,
inilalapat ang talampakan
papuntang ibang panahon.
Tinatawid ang mga hanggahan:
pagtulog, paggising, pagtulog,
waiting room papuntang tren at pabalik,
Gera, kapayapaan, at gera muli.
Tumatawid sila sa pagitan ng meron at wala:
natututo ng bagong wika ng mundo,
nililimot ang dating wika ng puso.
Nangongolekta ng wika sa ibang wika
para sa tatlong yugto:
pananatili, pag-alis, at pagbalik.
At ang mama sa tuktok ng hagdan—
siya lang ang nakakaintindi
kung ano ang sinasabi
ng mukha ng orasan.
At patuloy
na nilunod ng kamatayan
ang katawan ni Itay
hanggang sa tumagas ito
mula sa kanyang mga mata
papunta sa akin.
At patuloy na humaba
ang buhok ni Inay
na lagi't laging nabibigong
humalik sa lupa.
2022, Setyembre 30