Saturday, November 22, 2025

SA LILIM NG TALINGHAGA (Halaw kay Patrizia Cavalli)



sa lilim ng talinghaga
bigyan ako ng marapait
dahil, kahit paano, ang marapait
pwede kong hawakan.

_____________________________________________________


IN THE SHADOW OF A METAPHOR

In the shadow of a metaphor
give me a daisy
because I could hold the daisy
in my hand.

MAY NAGSABI SA AKIN (Halaw kay Patrizia Cavalli)



May nagsabi sa akin
na syempre, hindi mababago
ng aking tula ang daigdig.

Sabi ko, na syempre, hindi
mababago
ng aking tula ang daigdig.


_____________________________________________________


SOMEONE TOLD ME

Someone told me
that of course my poetry
won't change the world.

I answer that of course not
my poetry
won't change the world.

DAHIL TILA AKIN NA ANG ORAS (Halaw kay Patrizia Cavalli) (2025 Revision)



dahil tila akin na ang oras
at walang yumayaya sa aking
mananghalian o maghapunan
dahil malaya na akong
manguyakoy at masdan
kung paanong nagpapakawala't nawawalan
ng kulay ang ulap
o kung paanong may pusang taimtim
na nagmamatyag sa bubong
dahil ang naghihintay na lang sa akin
ay walang hanggang hangganan ng gabi
na walang naghahanap at walang
nag-aabang sa aking maghubad at magpahinga
sa mainit na kama't kasiping na katawan
dahil wala nang plano ang mga umaga
at binabayaan akong magpasya
kung paano magsimula, dahil ngayon
bigla, gusto ko na muling magpatali

WIKA (Halaw kay Edel Garcellano)



Ang mga sinasabi’y may katahimikan
na marami ring sinasabi at maaaring
meron o walang ibang ibig sabihin.
Totoo, may puwang sa mga usapan dahil
binibigo tayo ng mga nais nating sabihin.
Natatangay tayo sa agos ng mga salita
na para bang ang sinasabi’y nagtataksil
sa nais nating iparating. Pero ano nga
bang ilalaban natin sa mga kamay na
sumisikil at sumasakal sa atin? Nangi-
ngibabaw ang katahimikan. Pero kaila-
ngan nating magpatuloy, tuklasin ang
wikang magtutulay sa malawak na
banging namamagitan sa atin. Mabigat
ang ating tungkulin. Ang tula’y tula lamang.

Thursday, October 23, 2025

MARTES, ALAS-9 N.U. (Halaw Kay Denver Butson)



May lalaking nakatayo sa waiting shed,
abala sa selpon. Nagliliyab siya,
may mga dilang-apoy na lumalawit
sa kanyang mga kuwelyo’t manggas.
Natutunaw ang kanyang mga sapatos.

Ang babaeng katabi niya,
gusto siyang kausapin,
sabihing nagliliyab siya.
Pero nalulunod naman
ang babae, umaapaw
ang tubig sa kanyang
bibig, sa mga tenga,
sa kanyang mga mata.
May ilog na tumatakas
mula sa blusa niya.

May isa pang babae sa waiting shed,
naninigas sa ginaw.
Sinubukan niyang tumabi sa lalaki
na nagliliyab
nang matunaw sana ang mga hibla
ng lamig na namumuo sa kanyang
mga pilikmata, at sa kanyang ilong.
Gusto niyang pigilin ang pangangatal
ng labi para kausapin ang babaeng
nalulunod, pero hirap gumalaw
ang babaeng giniginaw dahil
may mga bloke ng yelong namuo
sa kanyang mga paa.

Ilang saglit ang lumipas
bago makaakyat
sa pumarang bus
ang tatlo:
ang lalaking apoy,
ang babaeng tubig,
ang babaeng lamig.
Pero nang makasakay na
at makaupo, ni hindi sila
napansin ng kunduktor
na nilalagnat ng mga guniguni
at nagmumuni kung
ang lalaking pumara sa huling stop
ay ginugutay-gutay nga ba
ng mga asong naglalaway.

_____________________________________________________

Tuesday 9:00 AM
- Denver Butson

A man standing at the bus stop
reading the newspaper is on fire
Flames are peeking out
from beneath his collar and cuffs
His shoes have begun to melt

The woman next to him
wants to mention it to him
that he is burning
but she is drowning
Water is everywhere
in her mouth and ears
in her eyes
A stream of water runs
steadily from her blouse

Another woman stands at the bus stop
freezing to death
She tries to stand near the man
who is on fire
to try to melt the icicles
that have formed on her eyelashes
and on her nostrils
to stop her teeth long enough
from chattering to say something
to the woman who is drowning
but the woman who is freezing to death
has trouble moving
with blocks of ice on her feet

It takes the three some time
to board the bus
what with the flames
and water and ice
But when they finally climb the stairs
and take their seats
the driver doesn't even notice
that none of them has paid
because he is tortured
by visions and is wondering
if the man who got off at the last stop
was really being mauled to death
by wild dogs.

Tuesday, September 30, 2025

ANG BAGONG PAARALAN (Halaw kay Roque Dalton) (2025 Revision)



Noong sinaunang panahon ng mga Griyego
nagturo ng pilosopiya si Aristotle sa kanyang mga disipulo
habang naglalakad sa isang malawak na patio.

Dahil dito, tinawag na "lagalag" ang kanyang larangan.

Ngunit tayong mga mandirigmang makata
ay di hamak na lagalag kaysa lagalag ni Aristotle.
Pagkat tinutugis natin ang pilosopiya't panulaan ng masa
habang naglalagalag
sa mga lungsod at nayon ng ating bayan.

-Salin ni Aris Remollino
2017, Hunyo 15

RUROK (Halaw kay Otto Rene Castillo)



Walang kasingningning
para sa hukbong-bayan
ang marating ang rurok at masabing:
nanalig tayo sa buhay, sa sambayanan,
at hindi tayo binigo, kailanman,
ng buhay, ng sambayanan.

Sa ganitong paraan
nagiging ganap na lalaki ang lalaki
nagiging ganap na babae ang babae
kapag araw-gabing suong ang digma
para sa buhay, para sa sambayanan.

At kapag naabot ang rurok ng buhay,
hahawiin ng sangkatauhan
ang pinakamalalalim nilang mga dagat,
magiging bahagi ng tubig, walang-maliw,
magiging mata ng santelmo, nabubuhay
at bumubuhay sa puso ng pakikibaka.

Walang kasingningning
para sa hukbong-bayan
ang marating ang rurok at masabing:
nanalig tayo sa buhay, sa sambayanan
at hindi tayo binigo, kailanman,
ng buhay, ng sambayanan.

IKATLONG TULA NG PAG-IBIG (Halaw kay Roque Dalton) (2025 Revision)



Kung may magsabing
di karaniwan ang ating pag-ibig
pagkat supling ito ng
di karaniwang mga pagkakataon,
sabihin sa kanyang
patuloy tayong nakikibaka
nang ang pag-ibig na tulad sa atin
ay maging isang pangkaraniwan,
walang hanggang pag-ibig
sa buong daigdig.


2021, Disyembre 26

Saturday, June 28, 2025

SAGRADONG PUSO (Halaw kay Federico Licsi-Espino) (2025 Revision)



Habang unti-unting
tinatalupan
ng tadhana
itong sibuyas
na puso
ng makata,
humihikbi sa hapdi
ang bumabasa
ng tula.

RIGOR MORTIS (Halaw kay Arvin Abejo Mangohig)



Ito ang kamatayang sinisikap mong
puksain tuwing umaga, na bumabalik
at bumabalot sa iyong mukha bago
mananghalian. Noon pa man, may orasang
humihinga sa iyong katawan. May
kalendaryong tumitibok sa iyong puso.

Ito ang nakaambang pangamba tuwing
Linggo, o buhat-buhat na pagkagulat
tuwing Sabado: buhay ka pa nga pala.
Hindi natutuldukan ng pahinga ang iyong
pagtatala sa araw-araw. May
kalendaryong tumitibok sa iyong puso.

Nung bata ka, gising ka pa kahit napupuyat
na ang orasan—bukas ang pinto,
umaandap-andap ang silahis ng buwan
sa iyong silid. Noon, gigising kang may
nakahain nang kape at almusal, walang
inaalalang bayarin sa upa o kuryente.

Pero nagbabago ang lahat, sa bawat
kulubot na dumadagdag sa balat. Madalas
ka nang hinihele ng mga alalahanin.
Kinukuba ng hanapbuhay ang iyong likod,
nababanat ang iyong gulugod kaiisip—
araw-araw—na buhay ka pa nga pala.

Gaya ng unang uha sa pinakaunang araw:
Para saan ba ang lahat ng ito? Para puksain
ang kamatayang sumisiyap sa iyong puso.
Para labanan—sa abot ng makakaya—kahit
alam mong lagi siyang magwawagi sa
bawat Lunes ng ating buhay, magwawagi
sa lahat ng nabubuhay at namamatay.

PUSANG ITIM (Halaw kay Arvin Abejo Mangohig)



Sa buhay ko, gusto kong maniguro’t
kumampi sa liwanag. Mga bintana,
bukas na pinto. Puting-puting

Kutis ng kalaguyo kagabi. Kaya
nang dumating itong munting dilim
sa harap ng bahay, ayaw ko sanang

Patuluyin—hanggang buksan niya
ang kanyang mga mata: luntian
ang kaliwa, nagdurugong pula

Ang kanan. Ang malas mo, sabi ko,
habang marahang-marahang
hinahaplos ang anino ng munting anino.

ORASAN (Halaw kay Li Young-Lee) (2025 Revision)



Nang tumigil
ang orasan sa istasyon
patuloy na bumagsak
ang mga dahon,
patuloy na umandar
ang mga tren.
Patuloy na humaba at umitim
ang buhok ni Inay.
Patuloy na nilunod ng oras
ang katawan ni Itay.

Hindi ko mabasa
ang kalendaryo sa istasyon.
Natulog kaming nakalilim
sa mga pigil na kamay ng orasan
hanggang ihatid ng umaga
isang mama, may bitbit na hagdan.
Inakyat ng mama ang mukha
ng orasan, sinusian.
Siya lang ang nakakaalam
kung ano ang kanyang nakita.

Sa baba, patuloy ang mga yapak
papunta sa iba't ibang direksyon.
Nagsitawid ang mga tao
papunta sa ibang panahon:
Bumibili ng tiket sa isang panahon,
inilalapat ang talampakan
papuntang ibang panahon.
Tinatawid ang mga hanggahan:
pagtulog, paggising, pagtulog,
waiting room papuntang tren at pabalik,
Gera, kapayapaan, at gera muli.

Tumatawid sila sa pagitan ng meron at wala:
natututo ng bagong wika ng mundo,
nililimot ang dating wika ng puso.
Nangongolekta ng wika sa ibang wika
para sa tatlong yugto:
pananatili, pag-alis, at pagbabalik.

At ang mama sa tuktok ng hagdan—
siya lang ang nakakaintindi
kung ano ang sinasabi
ng mukha ng orasan.

At patuloy
na nilunod ng kamatayan
ang katawan ni Itay
hanggang sa tumagas ito
mula sa kanyang mga mata
papunta sa akin.

At patuloy na humaba
ang buhok ni Inay
na lagi't laging nabibigong
humalik sa lupa.

Wednesday, May 7, 2025

Katahimikan (halaw Kay Jim Pascual Agustin)



Pagdapo ng anino ng huling liwanag
sa tubigan, kapit-kamay kayong tumakbo
ng iyong kakambal, naninikit

ang buhangin sa inyong mga paa.
Titigil kayong biglang-bigla.
Sa inyong paanan, nakalatag

ang absolutong katahimikan ng isang dikya.
Lubog ang ulo, halos mapipi
ang mga galamay, parang tubig

na sumubok at nabigong maging
asin. Tila namamaga ang mga butil
ng buhangin, parang sinisipat

sa mata ng teleskopyo. Habang
tinititigan n'yo ang mga labi,
lumilinaw sa inyong mga mata

ang sumasalubong na gabi, at
kung paanong binabawi ng dagat
ang lahat sa kanyang mga bisig.