Wednesday, August 23, 2023

Orasan (Halaw kay Li-Young Lee)



Nang tumigil
ang orasan sa istasyon
patuloy na bumagsak
ang mga dahon,
patuloy na tumakbo
ang mga tren.
Patuloy na humaba at umitim
ang buhok ni Inay.
Patuloy na nilunod ng oras
ang katawan ni Itay.

Hindi ko mabasa
ang kalendaryo sa istasyon.
Natulog kaming nakalilim
sa mga pigil na kamay ng orasan
hanggang ihatid ng umaga
ang isang mama, bitbit ang hagdan.
Inakyat ng mama ang mukha
ng orasan, sinusian.
Siya lang ang nakakaalam
kung ano ang kanyang nakita.

Sa baba, patuloy ang mga yapak
papunta sa iba't ibang direksyon.
Nagsitawid ang mga tao
papunta sa ibang panahon:
Bumibili ng tiket sa isang panahon,
inilalapat ang talampakan
papuntang ibang panahon.
Tinatawid ang mga hanggahan:
pagtulog, paggising, pagtulog,
waiting room papuntang tren at pabalik,
Gera, kapayapaan, at gera muli.

Tumatawid sila sa pagitan ng meron at wala:
natututo ng bagong wika ng mundo,
nililimot ang dating wika ng puso.
Nangongolekta ng wika sa ibang wika
para sa tatlong yugto:
pananatili, pag-alis, at pagbalik.

At ang mama sa tuktok ng hagdan—
siya lang ang nakakaintindi
kung ano ang sinasabi
ng mukha ng orasan.

At patuloy
na nilunod ng kamatayan
ang katawan ni Itay
hanggang sa tumagas ito
mula sa kanyang mga mata
papunta sa akin.

At patuloy na humaba
ang buhok ni Inay
na lagi't laging nabibigong
humalik sa lupa.

2022, Setyembre 30

Kabutihan (Halaw kay Naomi Shihab-Nye)



Bago natin makilalang lubos
ang kabutihan,
kailangan munang
may mawaglit sa atin.
Hayaang matunaw sa sansaglit
ang kinabukasan
gaya ng asukal
sa lumalamig nang kape.
Lahat ng bagay
na kinakapitan natin:
kailangang mawala lahat
nang matutunan natin
kung gaano karahas
ang daigdig sa pagitan
ng lahat ng kabutihan.
Susulong tayo't maglalakbay
nang walang katiyakan
kung saan tayo tuluyang
hihimpil.

Bago natin makilala ang marahang
bigat ng kabutihan,
dalawin natin ang isang katutubong
nakahandusay sa tabi ng daan.
Maaaring siya at tayo'y iisa.
Tulad natin,
naglakbay siya
buong gabi, bitbit
ang mga pangarap
at mumunting hiningang
bumubuhay sa kanya.

Bago natin makilalang kabutihan
ang talim ng ating pagpapakatao,
kailangan nating makilala ang lungkot
na nagsisilbing hasaan nito.
Gumising tayo
kapiling ang lungkot.
Kausapin natin ito
hanggang mahuli
ng ating mga tinig
ang hibla ng lahat
ng lungkot.
Doon lamang natin makikita
kung gaano kalawak
ang telang nahahabi nito.

Sa huli, kabutihan lamang
ang nananatiling may kahulugan.
Kabutihan lamang
ang magsisintas
ng ating mga sapatos
at maghahatid sa atin
palabas ng bahay.
Kabutihan lamang,
sa gitna ng agos
ng abalang madla,
ang tititig at magsasabing,
Narito ako,
at sasabayan tayong maglakbay
gaya ng isang
anino o kaibigan.

2019, Agosto 7

Syudad (Halaw kay Tirso Canales)



Sa langong lungsod,
nagiging usok
ang mahuhusay na kaisipan.
Mga tao'y naglalanguyan
sa libaging mga lansangan.
Sinisisid ng pulubi ang basurahan,
naghahanap ng kabuhayan.
Nagpapatianod siya sa ilahas na alon,
maligaya na siya'y nabubuhay.

2015, Abril 28

Silong (Halaw kay Bertolt Brecht)



Hindi nito babaguhin ang mundo.
Hindi nito mapapabuti ang pakikipagkapwa-tao.
Hindi ito balang nakatutok sa sentido ng pang-aapi.
Pero may ilang walang masisilungan
na makakatulog nang mahimbing ngayong gabi.
Ngayong gabi, ligtas sila sa talim ng kuko ng lamig;
Hindi nila kalaguyo ang walang-habas na ulan.

Pero, sandali. 'Wag munang iiwan ang tulang ito.

May ilang walang masisilungan
na makakatulog nang mahimbing ngayong gabi.
Ngayong gabi, ligtas sila sa talim ng kuko ng lamig;
Hindi nila kalaguyo ang walang-habas na ulan.
Pero hindi nito babaguhin ang mundo.
Hindi nito mapapabuti ang pakikipagkapwa-tao.
Hindi ito balang nakatutok sa sentido ng pang-aapi.

2015, Abril 13

Ikatlong Tula ng Pag-Ibig (Halaw kay Roque Dalton)



Kung may magsasabing
di karaniwan ang ating pag-ibig
pagkat supling ito ng
di karaniwang mga pagkakataon,
sabihin sa kanyang
nagpapatuloy ang ating pakikibaka
nang ang pag-ibig na tulad sa atin
(isang pag-ibig ng mga kapwang nakikibaka)
ay maging isang pangkaraniwan,
walang kapantay na pag-ibig
sa buong daigdig.

2021, Disyembre 26