Bago natin makilalang lubos
ang kabutihan,
kailangan munang
may mawaglit sa atin.
Hayaang matunaw sa sansaglit
ang kinabukasan
gaya ng asukal
sa lumalamig nang kape.
Lahat ng bagay
na kinakapitan natin:
kailangang mawala lahat
nang matutunan natin
kung gaano karahas
ang daigdig sa pagitan
ng lahat ng kabutihan.
Susulong tayo't maglalakbay
nang walang katiyakan
kung saan tayo tuluyang
hihimpil.
Bago natin makilala ang marahang
bigat ng kabutihan,
dalawin natin ang isang katutubong
nakahandusay sa tabi ng daan.
Maaaring siya at tayo'y iisa.
Tulad natin,
naglakbay siya
buong gabi, bitbit
ang mga pangarap
at mumunting hiningang
bumubuhay sa kanya.
Bago natin makilalang kabutihan
ang talim ng ating pagpapakatao,
kailangan nating makilala ang lungkot
na nagsisilbing hasaan nito.
Gumising tayo
kapiling ang lungkot.
Kausapin natin ito
hanggang mahuli
ng ating mga tinig
ang hibla ng lahat
ng lungkot.
Doon lamang natin makikita
kung gaano kalawak
ang telang nahahabi nito.
Sa huli, kabutihan lamang
ang nananatiling may kahulugan.
Kabutihan lamang
ang magsisintas
ng ating mga sapatos
at maghahatid sa atin
palabas ng bahay.
Kabutihan lamang,
sa gitna ng agos
ng abalang madla,
ang tititig at magsasabing,
Narito ako,
at sasabayan tayong maglakbay
gaya ng isang
anino o kaibigan.
2019, Agosto 7
No comments:
Post a Comment