Saturday, June 28, 2025

RIGOR MORTIS (Halaw kay Arvin Abejo Mangohig)



Ito ang kamatayang sinisikap mong
puksain tuwing umaga, na bumabalik
at bumabalot sa iyong mukha bago
mananghalian. Noon pa man, may orasang
humihinga sa iyong katawan. May
kalendaryong tumitibok sa iyong puso.

Ito ang nakaambang pangamba tuwing
Linggo, o buhat-buhat na pagkagulat
tuwing Sabado: buhay ka pa nga pala.
Hindi natutuldukan ng pahinga ang iyong
pagtatala sa araw-araw. May
kalendaryong tumitibok sa iyong puso.

Nung bata ka, gising ka pa kahit napupuyat
na ang orasan—bukas ang pinto,
umaandap-andap ang silahis ng buwan
sa iyong silid. Noon, gigising kang may
nakahain nang kape at almusal, walang
inaalalang bayarin sa upa o kuryente.

Pero nagbabago ang lahat, sa bawat
kulubot na dumadagdag sa balat. Madalas
ka nang hinihele ng mga alalahanin.
Kinukuba ng hanapbuhay ang iyong likod,
nababanat ang iyong gulugod kaiisip—
araw-araw—na buhay ka pa nga pala.

Gaya ng unang uha sa pinakaunang araw:
Para saan ba ang lahat ng ito? Para puksain
ang kamatayang sumisiyap sa iyong puso.
Para labanan—sa abot ng makakaya—kahit
alam mong lagi siyang magwawagi sa
bawat Lunes ng ating buhay, magwawagi
sa lahat ng nabubuhay at namamatay.

No comments:

Post a Comment